marami kang utang na tulog sa akin

sawndcheck
4 min readJun 7, 2024

--

Blue (2002)

Antukin pa naman ako. Tuwing nakikita ko ang kamay ng orasan na lalagpas na ng alas-diyes ay humihikab na ako at nagluluha na ang gilid ng mga mata ko dahil sa antok. Kusa ko na ring mabibitawan ang cellphone ko at hudyat na ‘yon para ako ay pumikit na.

Pasado alas onse na ng gabi. Diyos ko po gusto nang pumikit ng mga talukap ng mata ko. Pero kung magandang babae ang dumadaldal sa ‘yo sa ganitong oras ng gabi, tatanggihan mo pa ba? Umupo ako mula sa aking pagkakahiga para pilitin ang sarili na huwag na munang matulog. May nakilala kasi ako at nakakahiya naman siguro kung sasabihin kong naantok na ako sa gitna ng “getting to know each other” ng usapan, ‘di ba? Sayang naman. Sayang naman ang ilang minutong kausap ka. Inilingan ko ang sarili ko dahil sa mga desisyon ko sa buhay. Dapat nasa bandang climax na ako ng panaginip ko eh! Pero unang tingin ko palang sa ‘yo, halatang ilang tulog na ang isasakripisyo ko.

11:5811:59Alas dose na. Isang buwan na rin kitang kilala. Ngayon ay nakaharap ako sa laptop habang pinapanood ang paborito mong pelikula na sabi ko ay hindi ko pa napapanood kahit na ang totoo ay ilang beses ko nang nakita ‘yang Pride and Prejudice. Nabasa ko na nga pati ang libro. Nakabisa ko na rin ang mga linya doon banda sa parte na basang basa sila ng ulan. Pero pinanood ko pa rin para marinig ko lang ang mga buntong hininga, siphayo, dismaya, kilig, at hagikhik mo habang nanonood. Ang mga mata ko ay wala sa pelikula kundi nasa maliit na parihaba kung nasaan ang mukha mo. Kaso inaantok na kasi ako. May pasok pa nga pala ako bukas. Matagal pa kaya ito?

Ala-una y medya na ng umaga. Tatlong buwan ka nang nasa buhay ko. Mga hikbi mo ang naririnig ko sa kabilang panig ng telepono ko at kita ko sa maliit na screen nito ang bote ng beer sa kaliwang kamay mo habang sinusuklay ng kabilang kamay mo ang buhok mo. Nakahiga na ako at nakapatay na ang ilaw sa kwarto ko. Nasa ilalim na rin ako ng mga kumot ko. Tag-ulan kasi at malamig na ang simoy ng hangin kaya masarap humiga at masaya humimbing. Pero imbis na mga hilik ko ang naririnig ng kwadradong pader na nakapalibot sa ‘kin, mga reklamo mo sa buhay mula sa speaker ng cellphone ko ang naririnig nito.

“Putanginang bahay ‘to. Pati mga kaklase ko, putangina niyo mga walang ginawang tama sa buhay ko. Mga pabigat sa bayan! Mga pahirap sa bansa! Lalo ka na Bong Bon — ”

Natawa lang ako sa mga lintaya mo. Ilang malulutong mura at hinanakit pa sa tungkol sa buhay mo ang lumabas sa bibig mo noong umagang ‘yon. Ngunit habang natatawa ay pumakawala na ang hikab na hindi ko na napigilan. Inaantok na kasi ako. Samantalang ikaw, hindi ka na naman makatulog. Loko rin kasi pumana ‘yong maliit na sanggol na may mga pakpak eh ‘no? Isang antukin at isang ‘di maambunan ng antok. Pero huwag kang mag-aalala dahil habang gising ka pa ay dilat din ang mga mata ko. Bagaman bibigay na ‘tong mga mata kong ‘to, hindi pa ata bibigay ang puso ko. Hindi ka naman kasi bibitawan ng puso ko. Areglado ka sa ‘kin boss, ‘di kita tutulugan.

Alas tres na ng umaga. Mga hagulhol ko naman ang naririnig ng mga pader ng kwarto ko. Nagkalat ang mga piraso ng papel sa higaan ko na naglalaman ng mga sulat na para sa ‘yo na nakakahiya nang iabot dahil ang dungis na ng mga ito. Kumalat na kasi ang tinta ng ballpen na gamit ko noong nabasa ko ito ng mga luha kong tungkol sa ‘yo at dahil sa ‘yo. Malalim na rin ang mga namamaga at namumula kong mga mata. Ilang buwan na rin kasi akong puyat. Ilang buwan mo na rin kasi akong pinuyat. Lugi sa ‘yo boss, bakit ka naman nangunguha ng tulog? Ibalik mo ‘yon ah! Utang ‘yon! Mahaba-habang tulog din ang kailangan kong gawin para mabawi ‘yon.

Ingat baks, sasamahan pa sana kita kahit saan mo gusto magpunta kaso inaantok na kasi ako. Tokis lang pala yung sinabi kong ‘di kita tutulugan. Napapagod din pala ako. Sige boss gud nyt miz u wag papagutom ingat plagi. Ay bawal ko na pala i-send. Hindi naman na kasi tayo nag-uusap.

… ZzzZz… ZzZzz. engk wla n 2log n.

--

--