iba na ang tunog ng pangalan mo

sawndcheck
2 min readMay 29, 2024

Mahirap bigkasin, mabigat baybayin, mahapdi ang guhit nito sa lalamunan kong napaos na ata kakatawag sa iisang pangalan lamang sa loob ng mahabang panahon. Wala nang boses ang lumalabas sa akin ngayon, baka ito ay ang parusa ko sa nakakariniding lintaya ko ng pangalan mo. Paulit-ulit na. Nakakatuliling. Nakakarindi. Pahapdi na rin nang pahapdi ang rolyo ng pangalan mo sa dila ko.

Mahirap isagot ang pangalan mo sa mga tanong na ibinabato sa akin na ikaw lang naman ang sagot. Mahirap ibato nalang sa hangin ang pangalan mo para lang pigilan ang sarili kong sambitin ito dahil sugat na ang ngala-ngala ko sa mga marahas na talas ng mga pantig ng pangalan mo.

Hindi ko gustong kabisado ko kung paano ang diin sa mga pantig na siyang dahilan bakit hirap akong gumawa ngayon ng kahit na anong tunog.

Hindi ko gustong masyado akong pamilyar sa bigkas ng pangalan mong siyang dahilan bakit hirap akong huminga dahil ang daluyan ko ng hangin ay okupado na ng mga letra ng pangalan mo dahil sa mga pagkakataong hindi ko ito binanggit, naipon na tuloy lahat ng ito rito.

Hindi ko gusto na banggitin ko man o hindi ang pangalan mo ay masakit pa rin ang bunga nito sa lalamunan ko. Marahil ay mas mabuti nalang na banggitin ito para sa gayon ay baka may pag-asa pa na marinig mo ang mga pakiusap ko at ‘di ka na ulit aalis sa tabi ko.

Hindi ko gustong sanay ako na ang pangalan mo ang isagot sa mga tanong sa akin ng mga taong nasa paligid ko kung sino lang ba ang minahal ko.

--

--