ayoko nang maglakad sa madilim na eskinita
--
Madilim ang paligid. Isang gaserang paubos na ang langis lamang ang meron ako. Masikip ang eskinita at malayo pa ako sa patutunguhan ko. Malayong-malayo pa. Sa sobrang layo, hindi ko alam kung lalagpas pa ba ito ng tatlumpong milyong kilometro, huwag naman sana. Ilang metro nalang kasi ang kaya kong takbuhin. Bukod sa gasera kong maya-maya ay mamamatay na, bibigay na rin kasi ang aking mga binti. Masyadong mabigat na rin kasi ang tatlong mangmang na nakapasan sa likod ko.
Ang una ay nakaitim na antipara pa. May tungkod pa siyang ‘di naman niya ginagamit, nakakalakad naman siya nang maayos. Taliwas ang amoy niya sa amoy ng langis ng bitbit kong gasera, at kada tatanungin ko ano ang gamit niyang pabango ay parang tumatagos lang mula sa kaliwa niyang tainga papunta sa kanan. Maayos rin ang pananamit niya, pero kada pagtangka kong hawak sa kamisetang suot niya upang malaman ang materyal na ginamit dito, siya ay napapaigtad at aatras nang isang hakbang.
Oo kaya naman niya maglakad nang maayos, pero kasama pa rin siya sa aking kargo. Ang mangmang na ito ay nagbubulag-bulagan kasi. Nakikita naman niya ang lahat. Nakikita niya ang dugong dumadanak sa kalyeng aking nilalakaran at nakikita niya rin ang paghalo rito ng dugo sa aking paa dahil sa bigat na aking pasan pero hindi siya umaalis sa kargo ko. Naririnig din naman niya ang boses ng opresyon na kada maririnig ko ay kumakabog ang tibok ng aking dibdib at nanghihina ang aking mga binti pero lumilipad lang ata ang utak niya kada maririnig niya ang matinis na sigaw para sa katarungan at ang kulob na hinagpis ng mga kaluluwang nakapamaluktot na nakaupo sa sulok ng mga kalye kung saan sila kinintlan. Nakikita at naririnig naman niya ang lahat pero hindi niya ako tinutulungang makarating sa paroroonan ko.
Ang pangalawa ay mahigpit ang kapit sa mga balikat ko at malalim ang mga hininga. Masyado kasing mahimbing ang tulog niya at kada kakalabitin ko kasi siya para magising ay nagbabago lamang siya ng posisyon. Mariin ang pagkakapikit ng kaniyang mata kaya alam kong hindi niya nakikita ang kalagayan ng eskinitang aming binabaybay. Payapa rin ang kaniyang paghinga kaya hindi ko tuloy alam kung naririnig ba niya ang mga hiyaw at pagtangis sa paligid niya. Hindi mo ba ito naririnig kahit bilang isang mahinang tunog lamang sa utak mo? Hindi ba ito nasasama sa mga panaginip mo? Ano bang uri ng bagay ang napapaginipan mo sa kasagsagan ng paghagulhol ng bayan mo?
Gising na. Pakiusap, gumising ka na. Hindi ka na ba magigising? Hindi ka na ba mapupukaw? Pagkagising mo, ano kaya ang iyong gagawin? Tutulungan mo kaya akong buhatin lahat ng kargo ko o kukuha ka rin ng itim na antipara at magpapanggap na walang nakikita at walang naririnig. Magigising ka ba nang kunot ang noo dahil rindi ka na sa pagtangis ng bansang ito at hahawakan ang kamay ko para hilain ako patakbo, patungo sa dulo ng madilim na eskinitang ito? O baka ay hindi ka na magigising? O baka ay naalimpungatan ka na at hindi mo nagustuhan ang iyong nakita kaya pinilit mong matulog muli.
Ang huling mangmang naman ay ang nag-iisang buong puso kong kakargahin. Nakapiring kasi ang kaniyang mga mata at ang buhol ng pagkakatali nito ay hindi ko magawang bawiin. Ang mga tainga niya naman ay nilagyan ko lamang ng gasa dahil may gumamit ng patalim sa mga ito at isang araw pagkagising niya ay nawalan na siya ng karapatang marinig. Wala siyang nakikita o naririnig, pero may tiwala siya sa akin. Ramdam ko ito mula sa higpit ng hawak niya sa aking kamay, hinihimok akong gumawa ng isa pang hakbang pasulong.
Kailangan kong matapos baybayin ang eskinitang ito para sa kaniya. Kailangan kong makahanap ng kahit anong paraan o kagamitan matanggal lang ang piring sa kaniyang mga mata. Kailangan niyang makita ang liwanag.